Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na tugunan ang housing backlog na nasa 6.5 milyong bahay sa iba't ibang bahagi ng bansa.

Ito ang binanggit ni Marcos sa kanyang talumpati sa awarding ceremony ng pamamahagi ng ilang housing unit sa mga benepisyaryo ng National Housing Authority (NHA) sa Naic, Cavite.

Sinabi rin ng Pangulo na plano ng gobyerno na magtayo ng mid-rise o high-rise units at hindi na row houses na pabahay para sa mahihirap na pamilya.

“Siguro mas efficient kung gagawa tayo ng mid-rise na tinatawag… baka puwede pa nating pataasin, gawing high rise na. Ngunit ito ay case to case kaya pag-aaralan pa natin ito,” pagdidiin nito.

Pangangasiwaan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang pabahay na itatayo sa mga lugar na may sapat na pasilidad.

“Dapat ang travel time mula bahay hanggang trabaho o eskuwelahan ay hindi lalampas sa isang oras. Dapat may malapit na palengke o maliit na mall na mapapamilihan,” dagdag pa ni Marcos.