Binuksan nang muli sa publiko ang Roosevelt station ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1).

Ang magandang balita ay inianunsiyo nitong Linggo ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) na siyang nangangasiwa sa operasyon ng LRT-1.

Matatandaang una nang sinuspinde ng LRMC ang operasyon ng LRT-1 mula Disyembre 3 hanggang Disyembre 4 para bigyang-daan ang reintegrasyon ng Roosevelt station sa 19 na operational stations ng LRT-1 mula Baclaran sa Parañaque City hanggang sa Balintawak sa Quezon City.

Ang naturang istasyon ay isinara noong Setyembre 5, 2020 para bigyang-daan ang konstruksiyon ng Common Station na magkokonekta sa LRT-1, Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Line 7 (MRT-7).

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Anang LRMC, matagumpay ang  isinagawa nilang operational exercises sa linya nitong weekend.

“We are happy to announce that our team has completed all the necessary works to ensure that LRT- 1 is safe to be operated with the reintegration of Roosevelt Station. We at LRMC consider this a great milestone because we know how important this station is for many commuters, especially those residing in the north,” anunsiyo pa ni LRMC Chief Operating Officer Rolando Paulino III.

"The whole exercise of reintegrating Roosevelt was likewise a great display of teamwork and cooperation among our LRT-1 employees and external partners,” dagdag pa nito.

Samantala, inianunsiyo rin ng LRMC na kasabay nang pagbubukas ng Roosevelt station, magpapatupad na rin sila ng bagong train service schedule para sa LRT-1.

Anito, simula Disyembre 5, ang last trip mula sa Baclaran station ay aalis na ng alas- 10:00 ng gabi habang ang huling biyahe mula sa Roosevelt station ay alas-10:15 ng gabi kung weekdays.

Ang huling biyahe naman mula sa Baclaran ay aalis ng alas-9:30 ng gabi habang ang last trip mula sa Roosevelt stations ay bibiyahe ng alas- 9:45 ng gabi kung weekends at holidays.

Wala namang pagbabago sa unang biyahe sa dalawang istasyon, na mananatili sa alas-4:30 ng madaling araw.