Sapat ang suplay ng karneng baboy kahit mataas ang demand nito ngayong Kapaskuhan, ayon sa pahayag ng Department of Agriculture (DA) nitong Linggo.
Sa isang radio interview, sinabi ni DA Deputy Spokesperson Rex Estoperez, kahit mabili ang karnengbaboy ngayong nalalapit na ang Pasko, nagdadalawang-isip naman ang mga nagtitinda ng frozen na karne na maglabas ngmaraming paninda.
“‘Yung ina-assure natin sa ating mga kababayan, sobra-sobra ‘yung karne ng baboy ngayon. ‘Wag silang mabahala do’n.Ayun nga lang, kung may frozen at mababa, depende sa inyo kung tangkilikin niyo ‘yun. Kung bagong katay, sa inyo naman ang preference. Pero, wala tayong kakulangan sa karneng baboy, lalung-lalo na nalalapit ang Pasko,” banggit ni Estoperez.
Hindi rin aniya nakaapekto sa suplay nito ang pagtama ng African swine fever (ASF) sa anim na rehiyon sa bansa kamakailan.
Kamakailan, inihayag ng grupo ng mga magsasakang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na walang kakapusan ng suplay ng karne ngayong Christmas season kahit pa mataas ang presyo nito sa mga pamilihan sa Metro Manila..