Iginiit ng isang senador na iimbestigahan pa rin ng Senado ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) dahil sa kautusang humuli ng mga imported na isda sa mga palengke sa bansa.
Binigyang-diin ni Senator Francis Tolentino, kahit iniutos na ng BFAR na suspindihin muna ang pagsamsam sa imported na pink salmon at pompano ay hindi pa rin ito makalulusot sa pagsisiyasat ng mga senador.
Aniya, bukod sa kontrobersyal na 23 taon na Fisheries Administrative Order (FAO) No. 195, itutuon din ng Senate Committee on Agriculture ang imbestigasyon sa iba pang usaping kinakaharap ng BFAR.
"Lahat ng isyu sa BFAR dapat masilip iyan, lalo na ang kanilang mga kautusan,” aniTolentino.
“Nakakagulat lang biglang implementasyon ng FAO No. 195, kasi Christmas season tapos ili-limit lamang sa canning and processing. Ang mga tao, deserving naman na kumain ng pompano at salmon, so very discriminatory ang kautusang ito," sabi ng senador.
Dapat aniyang malaman ng publiko kung ano ang naging basehan upang ipatupad ng BFAR ang FAO.
Nagtataka rin ang senador kung bakit hindi ito ni-revise at itinapat pa sa 3-month closed fishing season.
Matatandaang ipatutupad na sana ang pagsamsam sa mga imported na isda nitong Disyembre 4. Gayunman, hindi muna ito itinulog ng BFAR dahil sa batikos na natanggap sa mga mambabatas.
Philippine News Agency