"Kinilabutan" ang mga tao, hindi dahil sa takot kundi sa tawa, matapos kumaway at mag-okay sign pa ang isang nakahigang bangkay sa loob ng isang kabaong na ipinarada sa Kabakahan Festival sa Padre Garcia, Batangas noong Disyembre 1.
Ayon sa ulat ng page na "GO Batangas", ito ay kaugnay ng 73rd Founding Anniversary ng bayan ng Padre Garcia na may temang Kabakahan Festival: “Kakai-Baka”. Ang pistang ito ay para gunitain ang isa sa mga kabuhayan ng mga taga Padre Garcia---ang pag-aalaga ng cattle o baka.
Ang kabaong na isinakay sa float ay pakikiisa umano ng isang funeral service sa nabanggit na pagdiriwang.
Ibinahagi naman ng isang nagngangalang "Christian Peter Ilao" ang mga litrato ng kabaong float, gayundin ang taong kunwaring bangkay sa loob nito, na nagdulot naman ng good vibes.