Tatlong katao ang patay sa pananaksak habang isa pa ang patay naman sa pamamaril, sa magkakahiwalay na insidente ng krimen sa lalawigan ng Rizal, nabatid nitong Linggo.

Sa bayan ng Rodriguez, bigla na lang pinasok ng mga di kilalang suspek ang tahanan ng biktimang si Epifanio Salta sa Kasiglahan Village sa Brgy. San Jose, dakong alas-3:30 ng madaling araw, at pinagsasaksak siya habang natutulog.

Patay ang biktima habang nakatakas ang suspek matapos ang krimen.

Dakong alas-11:30 naman ng gabi nang atakihin ng dalawang hindi nakilalang suspek ang security guard na si Lindonyll Inocando habang nagbabantay sa R and J Building na matatagpuan sa Amityville, Brgy. San Jose, Rodriguez.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Pinagsasaksak at pinagpapalo pa ng mga suspek ang biktima na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.

Sa Antipolo City naman, bigla na lang sinaksak ng suspek na si Jimbo Naboya ang biktimang si Aries Renale sa leeg habang nasa tahanan ng kanyang kinakasamang si Juvy Vasquez sa Brgy. San Juan dakong alas-8:30 ng gabi.

Naisugod pa siya sa Cabading Hospital ngunit nasawi rin.

Samantala, nakatayo lamang ang biktimang si Danmar Cabahit Villegas, sa tapat ng kanilang tahanan sa Phase 1K, Kasiglahan Village, Brgy. San Jose, Rodriguez, nang bigla na lang siyang pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek.

Nakatakas ang suspek habang naisugod ang biktima sa Montalban Infirmary ngunit binawian din ng buhay.

Ang mga suspek ay tinutugis na ng mga awtoridad upang mapanagot sa krimen.