Posibleng maharap sa suspensyon ang isang reperi sa Philippine Basketball Association (PBA) matapos hindi tawagan ang backing violation ng forward na si Marcio Lassiter sa papaupos na oras sa laban ng San Miguel at Meralco Bolts sa PhilSports Arena sa Pasig nitong Biyernes ng gabi.
Hinihintay na lamang ni PBA Commissioner Willie Marcial ang resulta ng review ng technical committee sa kontrobersyal na laro ng dalawang koponan.
Sa nasabing inbound play, 5.4 segundo na lang sa final period at abante ang San Miguel ng tatlo, 111-108, tinanggap ni Lassiter ang bola mula sa kakamping si Chris Ross.
Dahil na rin sa mahigpit na depensa nina Cliff Hodge at Jose Caram, tumapak si Lassiter sa half court line bago pa nito ibinato ang bola sa kakampi nitong import na si Devon Scott.
Gayunman, hindi ito tinawagan ng reperi sa kabila ng matinding protesta ng coaching staff at mga manlalaro ng Meralco.
Pumito lang ang mga reperi nang i-foul ni Meralco import KJ McDaniels si Scott na nagresulta sa pagkakadagdag ng bentahe ng Beermen, 113-108.
Ayon sa Bolts, posible pa sana nilang maipuwersa sa overtime ang laro kung napituhan ang violation ni Lassiter.
Laglag na sa kontensyon ang Bolts hawak ang rekord na 4-8, panalo at talo, habang taglay naman ng San Miguel ang 7-5 record na nasa ikalimang puwesto at sasagupain sa quarterfinals ang nasa ikaapat na puwestong Converge.