Hinamon ng mga fish vendor ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na salakayin at hulihin ang mga cold storage facilities sa Navotas City na pinagmumulan ng mga imported na isdang itinitinda sa palengke.

Ayon sa mga vendor sa isang talipapa sa Quezon City, hindi sila ang dapat na pag-initan ng BFAR dahil wala silang itinitindang imported na isda, katuladng pink salmon at pompano, kung hindi sila binebentahan ng mga cold storage facilities sa Navotas.

"Dapat ang hulihin nila ay sila--mga cold storage, dun kasi galing ang tinda naming isda eh," himutok ng mga tindera.

Nitong Nobyembre, nagbanta ang BFAR sa mga tindera sa palengke at grocery na kukumpiskahin ang kanilang imported na isda pagsapit ng Disyembre 4, dahil sa iligal umano itong ibinebenta sa mga kahalintulad na lugar dahil laan lang sa mga canning company at institutional buyer ang mga ito.

National

Akbayan Party-list, nagpahayag ng suporta sa impeachment laban kay VP Sara

Idinahilan ng BFAR ang isang Fisheries Administrative Order (FAO) na nagbabawal sa mga palengke na itinda ang mga imported na isda.

Paliwanag din ng mga vendor, ngayong Kapaskuhan lang sila kumikita dahil sa imported na isda.

Kamakailan, nagdesisyon ang BFAR na suspindihin muna ang kautusan matapos silang batikusin ng mga kongresista.