Nagpahayag ng "pagkatakot" si Senadora Imee Marcos sa isinusulong na Maharlika Investment Funds na naglalayong ma-maximize ang state assets o government revenue upang gawing "sovereign wealth fund", sa pamamagitan ng pag-invest dito sa iba't ibang real at financial assets.
Ang naturang bill ay suportado naman ng mga kaanak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. gaya nina House Speaker Martin Romualdez (Leyte, First District), misis niyang si Rep. Yedda Marie Romualdez ng Tingog Sinirangan, at Ilocos 1st District Rep. Sandro Marcos.
Ayon sa ulat, inihambing ng senadora na kapatid ng pangulo ang nangyari noon sa bansang Malaysia kung saan pinag-ugatan pa ito ng korupsiyon. Aminado rin ang senadora na hindi pa niya nababasa ang kabuuang detalye ng bill.
"To be fair, hindi ko pa nababasa yung bill, pero ako'y kinakabahan sapagkat sa panahong ito, ang sama ng ekonomiya," ani Marcos.
"Pati ang World Bank sabi bagsak na bagsak sa susunod na taon sa 2023, sa kalagitnaan lalala pa raw. Diyos ko, paano na lang tayo pagkatapos? Alam natin na lumolobo ang utang ng Pilipinas samantalang malaki pa rin ang utang natin sa health workers, 'di pa bayad. Senior citizens, kulang-kulang pa rin ang stipend."
"Eh ang laki-laki ng utang natin panlabas pagkatapos magbibigay pa tayo ng tinatawag na 'sovereign funds?' pagkukuwestyon umano ni Sen. Imee.
"Nakakatakot talaga ito kaya pag-isipan nating maigi kung ito ba ay talagang tamang panahon, kung handa ba ang PIlipinas para sa sariling sovereign fund ngayon," giit pa ng senadora.