CAMP DANGWA -- Mahigit P5 milyong halaga ng pinatuyong marijuana brick na tinangkang ipuslit palabas ng Kalinga ang narekober ng mga pulis mula sa isang abandonadong sasakyan, habang ang suspek na tumakas ay nahuli sa manhunt operation sa Pasil, Kalinga.

Kinilala ang naarestong suspek na si Albert Borway Dugwawi, 29, at residente ng Barangay Agbannawag, Tabuk City, Kalinga.

Sinabi ni BGen.Mafelino Bazar, regional director ng Police Regional Office-Cordillera na nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng 2nd Kalinga Provincial Mobile Force (PMFC) na isang indibidwal ang magbibiyahe ng mga produktong marijuana mula sa Tinglayan patungong Tabuk City, noong Nobyembre 30.

Batay sa nasabing impormasyon, nagsagawa ng interdiction operation ang pinagsamang operatiba ng 2nd Kalinga PMFC, Tabuk City Police Station (CPS), Lubuagan MPS, at Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) sa Sitio Dinacan, Barangay Dangoy, Lubuagan, Kalinga, gayunpaman habang sa pagsasagawa ng checkpoint, tumilapon ang sasakyan patungo sa direksyon ng Pasil, Kalinga.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Hinabol ng mga operating unit ang sasakyan pagkatapos ay nakita nilang abandonado ito sa kahabaan ng Pasil-Balbalan Road.

Sa inspeksyon, nadiskubre nila ang 10 brick ng pinatuyong dahon at tangkay ng marijuana na may mga bungang tuktok na may tinatayang bigat na 10,000 gramo na may Standard Drug Price na P1,200,000.00; tatlong pirasong tubular forms ng hinihinalang pinatuyong dahon at tangkay ng marijuana na may tinatayang bigat na 3,000 gramo na may SDP na P360,000.00; at 18 pirasong parihabang hugis pinatuyong dahon at tangkay ng marijuana na may tinatayang bigat na 35,000 gramo na may SDP na P4,200,000.00.

Ang iba pang narekober ay isang dilaw na plastic bag na naglalaman ng Official Receipt/Certificate of Registration na inupahan sa ilalim ng babaeng pangalan na may address sa Makati City at isang puting Toyota Rush na may plate number na NFV 9982.

Ang onsite inventory ng mga narekober na gamit ay isinagawa sa presensya ng DOJ at mga kinatawan ng media, at isang Barangay Official ng Cagaluan, Pasil, Kalinga.

Noong Disyembre 1, nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto kay Dugwawi, na siyang driver ng narekober na sasakyan na ginamit sa pagbibiyahe ng mga narekober na kontrabando.