Makalipas ang mahigit isang buwan, hindi pa rin nalutas ng mga awtoridad ang pag-carnap sa vintage vehicle ng pamilya ni Kapuso actor Khalil Ramos sa isang subdivision sa Quezon City.
Pagbabahagi ng young actor sa ulat ng GMA News, mataas ang sentimental value ng sasakyan na aniya’y mula pa pala sa kaniyang lolo.
“Inalagaan talaga 'yun ng dad ko so heartbreaking pa rin for us,” anang aktor.
Matatandaang ang silver-green na 1996 Mitsubishi Montero ay may plakang MTR-16. Huli itong namataan sa Greenfields 1 Subdivision Gate 2 Novaliches, Quezon City noong Oktubre.
Sa kabila ng isang buwan nang pag-usad ng imbestigasyon, umaasa pa rin ang pamilya ng aktor na muling maibabalik sa kanila ang sasakyan.
“We’re still hopeful na sana maimbestigahan nang maayos. The anti-carnapping group and the PNP [are] doing their best naman in looking for the car kaso mahirap lang talaga ma-track down,” ani Khalil.
Nagbahagi naman ng natutunan si Khalil kasunod ng insidente, lalo pa sa mga owner ng vintage vehicles.
“If your car is old, kailangan mo lagyan ng GPS tracker cause older cars are much more vulnerable to carnapping incidents,” aniya.
Sakaling maibalik ang tinangay na sasakyan, una aniyang gagawin ito.
Para sa makapagbibigay ng detalye ukol sa ninakaw na sasakyan, mangyaring tawagan ang mga numerong 0966-348-5863.
Ayon sa website ng Top Gear Philippines, aabot ng mahigit P1.5 million ang halaga ng na-carnap na sasakyan.
Nitong Pebrero nang unang iflex ng aktor ang sasakyan sa social media. Nakasama na rin sa ilang camping trips ng pamilya ni Khalil ang mamahaling sasakyan.