Usap-usapan ngayon ang paninita ng fitness vlogger at motivational speaker na si Rendon Labador sa isang koponan ng volleyball kung saan makikita sa video ng isang tagahanga na hindi sila umano namansin o nagpaunlak man lamang ng selfie habang sila ay naglalakad pabalik sa kanilang coaster.

"Sino po ang coach nitong mga ito? Dagdagan pa natin ng konti pang training sa good manners & right conduct," saad ni Rendon.

Batay sa video, ang koponang tinutukoy ay "Choco Mucho" na mahigpit na kalaban ng "Creamline". Makikitang isa-isang binati ng babaeng kumukuha ng video ang star players ng team subalit hindi siya nito pinansin. Wala umanong isa sa kanila ang huminto upang tapunan man lamang ng pabalik na "Hi!" o "Hello" ang nabanggit na tagahanga. Ni kaway raw ay wala man lamang daw isinukli.

National

SP Chiz, pinatutsadahan si Guo: 'Wala siya sa lugar...'

Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens sa comment section ng post ni Labador.

"Who are they? Sikat ba sila?"

"Nakakainis panoorin… mahirap bang magsalita ng salitang 'HI' o isang kaway?"

"Parang mga gold ha… konting baba po ng konti, may mga tao talagang konting sikat akala mo kung sino na.. hahaha.. good luck po sa inyo sana po wag matapos kung asan kayo ngayon…"

"Same reaction noong nakita ko video na 'to na-sad ako para sa mga fans nila. Gusto nila ng support during their games but they can't give back to their supporters kahit sa pinakasimpleng gesture lang."

Sa kabilang banda, may mga netizen din naman ang nagtanggol sa Choco Mucho team dahil baka pagod lamang daw ang mga ito, o kaya naman ay nagmamadali nang umalis.

"Hindi lang kayo pinansin, dami n'yo nang kuda. Pumunta po sila ng Boracay to relax and to have fun. Sana naisip n'yo rin na pagod sila and hindi lahat ng mga nagha-hi sa kanila eh need nilang pansinin."

"Huwag nating i-judge baka naman pagod lang sila? Minsan din nila kayong napapasaya at nabibigyan ng inspirasyon. Huwag naman nating i-generalize ang pagkakamali."

"Gutom na siguro kaya mainit ulo? O lahat sila meron kaya wala sa mood. Huwag na lang sana palakihin! Hindi naman sila artista."

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang Choco Mucho team tungkol sa isyung ito. Bukas ang Balita Online sa kanilang panig.