Hiniling ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Huwebes sa National Bureau of Investigation (NBI) na tingnan ang pagbubunyag ni Sen. Risa Hontiveros ng umano'y kaso ng human smuggling.

“We’re already investigating that. We’re asking the NBI to investigate it,” ani Remulla.

“Well, yung findings ng hearing pa rin ang aming (iinbestigahan). We’re making the starting point of the investigation because the hearings were very revealing as to the modus operandi,” dagdag pa ng kalihim.

Ang tinutukoy ni Hontiveros ay ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na nabiktima ng sindikato na umano'y nag-o-operate sa Myanmar.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinasabing ang mga Filipino migrant workers ay mga biktima ng human trafficking na na-recruit bilang mga call center agent o manggagawa para sa Philippine offshore gaming operators sa pamamagitan ng iba't ibang social media platforms.

Ngunit pagdating sa Myanmar, napilitan silang gumawa ng cryptocurrency scam, na kinasasangkutan nila sa pagtatatag ng mga relasyon sa mga biktima sa pamamagitan ng Facebook, LinkedIn, at dating app na Tinder.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, at Gender Equality, iniharap ni Hontiveros ang isang inaakalang biktima na na-recruit para magtrabaho sa isang telemarketing company sa Thailand ngunit nauwi sa pagtatrabaho sa Myanmar bilang scammer ng mga crypto currency.

Inihalintulad ni Hontiveros ang bagong iregularidad sa kilalang “Pastillas Scheme.”

Sa ilalim ng Pastillas Scheme, ang mga bisitang Tsino ay maaaring walang putol na makapasok sa bansa kapalit ng mga suhol.

Ang isang Chinese citizen ay nagbabayad ng P10,000 “service fee” – P2,000 nito ay ibabahagi umano sa mga opisyal ng Travel Control and Enforcement Unit (TCEU), duty Immigration supervisor, at terminal head ng BI.

Gayundin, isiniwalat sa mga pagdinig sa kongreso na ang mga naka-blacklist na pugante na Tsino ay magbabayad ng hanggang P200,000 para "malayang" makapasok sa bansa.

Nanawagan din si Hontiveros sa mga pinuno ng iba't ibang bansa na obserbahan ang mas mahigpit na koordinasyon upang maiwasang maging destinasyon ng mga human smuggler.

"Moving forward, there have to be clear trans-border solutions. The Philippines, Thailand, and Malaysia are bound by the ASEAN convention against trafficking in persons kaya dapat mayroong tighter coordination para sugpuin ang krimeng ito," ani Hontiveros

Kasabay ng panawagan ay ang pangako ni Hontiveros na ipagpatuloy ang imbestigasyon ng kanyang komite sa human smuggling activities.

Binigyang-diin ni Hontiveros na dapat managot ang mga indibidwal, sa loob man ng Bureau of Immigration o Manila International Airport Authority na sinasabing sangkot sa pagpapalusot ng mga OFW sa mga paliparan.

Nanawagan din siya sa gobyerno na agarang tulungan ang iba pang Pilipinong biktima ng human smuggling.

"Kailangang mapauwi na din muna ang mga Pilipinong naitratraffick papuntang ibang bansa para mang-scam. Kailangan ang mabilis na koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng gubyerno, tulad ng DFA, DMW, at OWWA, pati na ang ugnayan sa mga pamahalaan sa ibang bansa," dagdag ni Hontiveros.