Usong-uso ngayon ang iba't ibang tsika, intriga, at blind item na pinapipiyestahan ng mga Marites lalo na sa online world. Kahit saang online platforms pa 'yan---Facebook, Instagram, Twitter, YouTube, at TikTok, marami na rin ang gumagawa ng mga content patungkol sa tsismis, mapa-celebrity man o social media influencers.
Kaya naman, may sagot diyan ang dating senatorial candidate na si Atty. Chel Diokno. Posible nga bang makasuhan ang isang taong nagpo-post ng tsismis at blind item sa social media?
"Mga anak, careful sa plano n'yong pagpaparinig at pagpapa-blind item sa social media. Baka, libelous 'yan! Here’s how to know…" sey sa caption ni Diokno.
Bago raw muna mag-post, kailangan munang tanungin ang sarili ng sumusunod na mga bagay: una, nakakasama ba ang ipo-post sa reputasyon ng iba?
Pangalawa, mababasa ba ito ng lahat ng tao o publiko?
Pangatlo, kahit hindi raw pangalanan, halata raw ba masyado ang pinariringgan?
At pang-apat, may intensiyon ba ang post na makapanakit? May malisya ba? Ang malisya raw ay maaaring maging premise sa pagsasampa ng libel o cyber libel case.
"Kung oo ang sagot mo sa lahat ng mga taong na 'yan, it's a big chance na libelous ang post mo. At baka makasuhan ka pa ng cyber libel! Mataas ang parusa sa cyber libel," ani Diokno.
Kaya naman, hikayat niya sa mga netizen na pag-isipang mabuti ang mga ipino-post sa social media. Kung may problema man daw, subukin munang i-settle ito ng dalawang partido sa pamamagitan ng personal at pribadong pag-uusap.