Nakatakda nang umarangkada ngayong Huwebes ang 24/7 na Libreng Sakay sa EDSA Busway.

Ito ay sa ilalim ng Service Contracting Program ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Nabatid na magsisimula ang programa sa Disyembre 1 at magtatapos hanggang sa Disyembre 31 ngayong taon. 

Anang DOTr,  ang magdamagang operasyon ng Libreng Sakay ng EDSA Busway ay bilang Pamaskong Handog nila sa publiko.

VP Sara, dinamayan tauhan niyang nakadetine sa Kamara dahil sa contempt order

Base sa inilabas na Board Resolution no. 174 at no. 176 s. 2022, nasa 100 Public Utility Buses (PUBs) ang tatakbo sa EDSA Busway sa extended operational hours, mula 11:01 PM hanggang 3:59 AM habang nasa 650 PUBs naman ang bibiyahe mula 4:00 AM hanggang 11:00 PM.

Tinatayang nasa tatlong round trip ito o anim na single trip mula Monumento station hanggang Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX).

Una nang sinabi ng DOTr na magpapatupad sila ng 24/7 free ride sa EDSA Busway, bilang antisipasyon sa inaasahang pagdagsa ng mga pasaherong mamamasyal dahil sa extended mall hours ngayong Christmas season. 

Ang extended mall hours ay nagsimula na nitong Nobyembre 14 na tatagal hanggang Enero 6, 2023, mula 11:00 AM hanggang 11:00 PM.