Ipinaliwanag ng Kapamilya actress na si Alexa Ilacad ang dahilan kung bakit "puto bumbong at bibingka" ang naisip nilang tema ng katambal na si KD Estrada, sa kanilang isinuot na costume sa kauna-unahang "Star Magical Christmas" na ginanap sa Sheraton Manila Hotel noong Linggo, Nobyembre 27.

KDLex ang namayani bilang "Best Couple" matapos makakuha ng 68% online votes mula sa kanilang mga tagahanga at tagasuporta. Bukod kina KD at Alexa, ilan din sa mga pinagpiliang tambalan ay sina Francine Diaz at Seth Fedelin o "FranSeth", Loisa Andalio at Ronnie Alonte o kilala bilang "LoiNie", at of course, sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla na sikat na sikat bilang "KathNiel".

Bukod sa pagiging Best Couple, sila rin ang nakasungkit ng special awards na "Best in Costume" sa male and female category.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/11/29/kdlex-layag-na-layag-best-couple-na-best-in-costume-pa-sa-star-magical-christmas/">https://balita.net.ph/2022/11/29/kdlex-layag-na-layag-best-couple-na-best-in-costume-pa-sa-star-magical-christmas/

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa kaniyang Instagram story, ipinaliwanag ni Alexa ang kuwento sa likod ng kanilang costume. Aniya, perfect pair para sa kaniya ang puto bumbong at bibingka na lagi niyang nilalantakan sa tuwing sasapit ang mahabang pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas.

"The Puto Bumbong to my Bibingka @kdestrada_," panimula sa text caption ni Alexa sa litrato nila ni KD.

"When I think of Christmas, I am always reminded of my two favorite Pinoy delicacies, Bibingka & Puto Bumbong. It feels like the holidays everytime I see and eat it.- It's my perfect pair! haha (heart emoji). Hope you all liked our concept!" ani Alexa at pinasalamatan ang team na lumikha sa kanilang costume.

KD Estrada at Alexa Ilacad (Screengrab mula sa IG ni Alexa Ilacad)

Sa isa pang Instagram story, ibinahagi ni Alexa ang litrato nila ni KD kung saan flinex nila ang kanilang natanggap na tropeo.

KD Estrada at Alexa Ilacad (Screengrab mula sa IG ni Alexa Ilacad)

Isinagawa ang pinag-usapan at trending event bilang reunion matapos ang pagkakatigil ng pagdaraos ng events dahil sa kasagsagan ng pandemya, na dinaluhan ng mahigit 100 artists at talents ng Star Magic, ang talent arm management ng ABS-CBN.

Hindi lamang ito basta event dahil ang mga pondong malilikom dito ay mapupunta sa chosen charity ng Star Magic: ito ay "Anawim", isang shelter house para sa mahihirap at inabandonang elderly people na itinatag ng manunulat, preacher, at founder ng "The Feast" na si Bo Sanchez, na matatagpuan sa Rodriguez, Rizal.

Kamakailan lamang, pinarangalan ang KDLex bilang "Asia's Most Promising Loveteam of 2022" sa 6th Asia Pacific Luminare Awards, na ginanap sa Okada Manila.