Sa rating na 95 percent, tila walang ka-effort-effort na naipasa at nanguna sa November 2022 Civil Engineer Licensure Examination ang produkto ng University of the Philippines – Los Baños (UPLB) na si Carl Jervin Magtira.
Ito’y kasunod ng ngayo’y viral Facebook post kung saan inilarawan pa ng bagong engineer na “basic” o madali lang ang naganap ang board exam.
Gayunpaman, hindi ito ang kaso sa 39.34 percent na passing rate o 8,029 sa 20,407 examination takers, ayon sa Professional Regulation Commission (PRC) nitong Martes.
Hindi naman kataka-taka na ito ang pahayag ni Magtira dahil sa katunayan, ikalawa rin ang kaniyang unibersidad sa top performing school na may overall passing rate na 92.75 percent, nasa likod lang ng University of the Philippines – Diliman (UPD) na nakakuha ng 95.45 percent na overall passing rate sa top spot.
Narito ang kabuuang listahan ng topnotcher at top-performing schools para sa naturang pagsusulit:
Samantala, kinaaliwan naman ng netizens ang nabanggit na viral post nitong Martes.
Inulan ng parehong paghanga, at papuri si Magtira na anang netizens ay tunay na inspirasyon. Biro pa ng marami, literal umanong hindi na nagtira ng katalinuhan para sa iba ang bagong inhinyero.
Sa pag-uulat, tumabo na sa mahigit 158,000 reactions ang naturang post.
Sinubukan ding hingan ng pahayag ng Balita si Magtira. Wala pa itong tugon sa pag-uulat.