Matapos ang halos apat na taon, nagsalita na ang aktor na si Tony Labrusca sa kinasangkutang kontrobersya kasunod ng umano’y scandal sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong 2019.
Ito’y matapos ang kaniyang panayam sa YouTube channel ng showbiz columnist at talent manager na si Ogie Diaz noong Sabado, Nob. 26.
Matatandaang umani ng malawakang pambabatikos online ang aktor matapos kumalat ang pahayag noon ng isang opisyal ng immigration laban kay Tony.
"Yung nangyari sa immigration, akala nung mga tao nagwawala ako dun sa gitna ng airport pero hindi talaga yun totoo."
Taliwas sa mga lumabas na isyu, iginiit lang umano niya noon na mabigyan ng Balikbayan Stamp, dahilan para kausapin siya ng isang immigration official nang lumapag sa bansa.
Ang Balikbayan Stamp ay magpapahintulot sa mga dating Pilipino, kanilang asawa, o kapamilya, ng isang taong pamamalagi sa bansa nang visa-free.
"Nag-usap kami for a while pero hindi nga kami nagkakasundo. So parang tumataas yung boses niya medyo tumataas na rin yung boses ko,” pagbabalik-tanaw ng aktor.
Sunod din nilinaw ng aktor ang umano’y pagmamalaki niya sa paliparan bilang isang artista.
“Nung nag-uusap kami, hindi ko sinabi yung pangalan ko, wala akong binanggit na 'artista ako'. Ang sabi ko lang, 'I work under ABS-CBN. My job always requires me to travel multiple times a year. Every time nagta-travel ako, binibigyan niyo naman ako ng balikbayan stamp. So bakit ngayon, ayaw niyo akong bigyan? Dahil ba wala kayo sa mood? Or feeling niyo nagfi-feelingero ako dito na big shot kaya ayaw niyo kong bigyan? Gusto ko lang maintindihan, kasi each time na lalabas ako ng bansa, babalik ako dito, binibigyan niyo ko ng balikbayan stamp. Bakit ngayon? Today, ayaw niyo kong bigyan?’” detalyadong sunod na kuwento ni Tony.
Pagbabahagi ni Tony, naayos umano ang isyu nang sadyain nila ang tanggapan ng immigration taliwas sa paglaki naman nito sa social media, bagay na aminadong “gigil na gigil” siya dahil sa pandidikdik ng bashers.
“Nung nangyari ‘yun sa akin, hindi lumambot ‘yung puso ko. Tumigas siya. Ang dami kong gustong pasayahing mga tao na mga Pinoy. Tuwang-tuwa ako na nandito ako sa Pilipinas,” ani Tony na aminadong malapit at mahal ang kultura ng bansa.
“Ta’s nung nakita ko kung paano ako i-bash ng tao, sobrang sakit nun; na imbes na dapat siguro mas lumambot ‘yung puso ko sobra siyang tumigas.
“Naging spiteful ako na tao. Sobrang naging negative ako. Wala na akong tiwala. Hindi na rin ako sobrang proud maging Pinoy [that time],” aniya.
Dito sunod na na-realize na ni Tony na naging kontrolado siya ng kaniyang bashers.
“Ito siguro ‘yung gusto ng mga bashers na ako mismo sirain ko na rin ‘yung buhay ko. Kung [i]tuloy-tuloy ko ‘yung mga ginagawa ko, sila ‘yung mananalo,” anang aktor sa kaniyang napagtanto matapos ang ilang serye aniya ng self-sabotage.
Kalaunan, nagsawa na rin umano si Tony sa mga kagayang sentimiyento at ngayo’y pinipili na ang mas positibong pananaw sa buhay.
“Pick and choose your battles,” aniya sa napulot na aral sa insidente.