Hindi man natuloy ang nakatakda sanang "Star Magic Ball" dahil sa iba't ibang kadahilanan, sa wakas naman ay nagkaroon naman ng "Star Magical Christmas" na pasasalamat ng Star Magic artists at Kapamilya stars dahil sa pagpapatuloy nilang maghatid ng saya simula noong nagkapandemya at nawalan ng prangkisa ang kanilang network.
Isinagawa ang pinag-usapan at trending event sa Sheraton Manila Hotel sa Pasay City, na dinaluhan ng mahigit 100 artists at talents ng Star Magic, ang talent arm management ng ABS-CBN.
Hindi lamang ito basta event dahil ang mga pondong malilikom dito ay mapupunta sa chosen charity ng Star Magic: ito ay "Anawim", isang shelter house para sa mahihirap at inabandonang elderly people na itinatag ng manunulat, preacher, at founder ng "The Feast" na si Bo Sanchez, na matatagpuan sa Rodriguez, Rizal.
Talaga namang nagpasiklaban ang Star Magic artists at Kapamilya stars na imbitado rito, kabilang na ang kapapanganak lamang na si Angelica Panganiban.
Agaw-pansin ang tema ng suot ng KathNiel at kanilang barkadahan.
Hindi rin nagpahuli ang tinaguriang "Asia's Most Promising Loveteam ng 2022" na KDLex na binubuo nina KD Estrada at Alexa Ilacad.
Inabangan din ng kanilang mga tagahanga ang "DonBelle" o tambalan nina Donny Pangilinan at Belle Mariano kung saan tumabo kaagad ng milyon sa takilya ang pelikulang "An Inconvenient Love" na hatid ng Star Cinema.