Nakahanda na para sa highly transmissible at immune evasive na Omicron subvariant BQ.1 ang mga pribadong ospital sa buong Pilipinas, ayon sa isang health expert.
Kasunod ng pagtuklas ng bagong Omicron BQ.1 sa Pilipinas, ibinunyag ni Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) President Dr. Jose Rene de Grano na ang mga pribadong ospital sa bansa ay handa para sa bagong Covid-19 strain.
“Walang pagkakaiba ang paghahanda dyan. [Sa] iba’t ibang ospital, pareho pa rin ang paghahandang ginagawa kahit anong subvariant ‘yan. So far, maayos at handa po ang mga ospital,” ani de Grano sa isang panayam sa DZBB noong Linggo, Nob. 27.
Kinumpirma ng Department of Health (DOH) noong Biyernes, Nobyembre 25, ang pagtuklas ng 14 na kaso ng BQ.1 sa bansa. Sa mga bagong natukoy na impeksyon, 13 ang lokal na kaso na naitala mula sa Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon, Cordillera Administrative Region, at Ilocos Region.
“As long as ang sintomas ay mananatiling mild or at most moderate at wala tayong dapat ikabahala. Pero kapag dumami po ‘yan at kailangang i–ospital ang mga pasyente tulad noong nakaraang [surge], ang magiging problema natin ay yung mga problema rin natin ngayon sa [kakulangan] ng health workers lalo na ang mga nurses,” dagdag ng eksperto.
Samantala, ayon kay de Grano, “mapapamahalaan” at “mababa” pa rin ang mga admission ng Covid-19 sa bansa dahil nanatiling nasa “low risk” ang paggamit ng pangangalagang pangkalusugan.
Charlie Mae F. Abarcam