Iniulat ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) nitong Lunes na umaabot na sa 69 ang mga bagong overhaul nilang bagon.
Batay sa advisory ng MRT-3 sa kanilang social media accounts, nabatid na nadagdagan pa ng isa ang mga bagong overhaul na bagon ng MRT-3 noong Nobyembre 25, 2022.
Ayon sa MRT-3, sa kabuuan ay tatlo na lamang sa 72 na mga bagon ng MRT-3 ang nakatakdang sumailalim sa general overhauling, bilang bahagi ng maintenance program ng mga ito.
Nabatid na sa ilalim ng general overhauling, kinukumpuni at pinapalitan ng bago ang mga lumang piyesa ng mga bagon upang maibalik sa maayos nitong kondisyon.
Anang MRT-3, dumaraan din sa serye ng speed at quality checks ang mga bagong overhaul na bagon upang matiyak na ligtas na ibiyahe ang mga ito sa mainline.
Nabatid na nasa 16 hanggang 20 tren ang karaniwang tumatakbo sa linya araw-araw.
Ang MRT-3, na bumibiyahe sa kahabaan ng EDSA, ang siyang nagdudugtong sa Taft Avenue, Pasay City at North Avenue, Quezon City.