Tiniyak ni Manila Mayor Honey Lacuna na nananatiling ang health at social services ang top priorities ng kanyang administrasyon sa 2023 annual budget ng lungsod.
Ang pagtiyak ay ginawa ng alkalde matapos na lagdaan nitong Lunes ang ordinansang naglalaan ng Executive Budget para sa Fiscal Year 2023 na nagkakahalaga ng P22.2 bilyon.
"Isinumite natin ito sa Sangguniang Panlungsod at agad naman nilang tinalakay, sinuri, pinag-aralang maigi at ipinasa sa kanilang nakaraang regular na sesyon," ayon kay Lacuna.
Sinabi pa ng alkalde na halos kalahati ng budget ay inilaan sa social services at health programs, na nagpapatunay ng kolektibong pananaw at hakbang tungo sa maayos at mas magandang buhay ng mga Manileño.
"Sumasalamin dito ang ating mithiing makapagbigay ng pinakamahusay na serbisyong pangkalusugan at serbisyong panlipunan, upang higit na mapaganda at mapabuti ang ating Social Amelioration Program gaya ng mga allowances ng senior citizens, PWDs at solo parents, gayundin para sa lahat ng mag-aaral ng PLM, UDM at senior high school sa mga pampublikong paaralan," aniya pa.
Bahagi rin aniya ng nakahanay na priority programs ng lungsod sa isang taon ay nakatutok sa pangangalaga ng kapaligiran at pati na ang peace and order situation sa kabisera ng bansa.
Nabatid na jabilang din sa Annual Budget ang mga programa at proyekto na may kaugnayan sa implementasyon ng Universal Health Care Act, pagpapaunlad ng Health Centers, pagtatatag ng Crisis Intervention Center for Women and Children at karagdagang facilities sa Manila Boystown Complex, at iba pa.
Ang mga city libraries, multi-purpose at multi-functional facilities naman ay ide-developed o magtatayong muli sa ilalim ng nakalinyang plano para sa isang taon.
Nagpasalamat si Lacuna kina Vice Mayor at Manila City Council Presiding Officer John Marvin Yul Servo Nieto, Majority Floor Leader at third District Councilor Jong Isip, Minority Floor Leader at 6th District Councilor Salvador Philip Lacuna na chair ng Committee on Appropriations at sa buong miyembro ng Council dahil sa kanilang buong-buong suporta sa kanyang administrasyon.
"Patuloy sana ninyo akong samahan sa pagsisikap na maisakatuparan ang ating mga pangarap at mithiin tungo sa higit pang mabuti, mas maayos at masaganang pamumuhay ng bawat Manilenyo. Makakatiyak po ang lahat na sa ilalim ng panunungkulan ng inyong kauna-unahang babaeng Punong Lungsod ay maihahatid ang walang kapagurang serbisyo diretso sa tao. Ipadarama ang Pagmamahal ng isang Ina at Kalinga ng isang doktora," anang kauna-unahang lady mayor ng Maynila.