Instant millionaire ang isang mag-asawa sa United Kingdom matapos madiskubre ang isang palayok ng antigo at gintong barya na pinaniniwalaang mula pa noong ika-18 siglo.
Ayon sa ulat ng BBC noong Oktubre, nadiskubre ang koleksyon sa ilalim ng sahig ng isang kusina sa Ellerby, East Yorkshire noong 2019 nang magsagawa sana ng isang renobasyon.
Tinatayang noong 1610-1727 unang lumabas ang mga antigong barya na pinaniniwalaan ding pagmamay-ari ng kilalang pamilya ng mangangalakal noong 1700’s sa Baltic region -- ang Fernley-Maisters.
Unang itinakda sa halagang £200,000 hanggang £250,000 o P11.8 million hanggang P14.8 million, umabot ng triple ang subastahan nang magka-interes maging ang malalaki at pribadong kolektor sa Japan, Amerika, Australia, China, at Europe, sa nasabing kagamitan.
Inilarawan pa itong "120 years of English history hidden in a pot the same size as a soda can".ng auctioneer na si Gregory Edmund.
Sa huli, umabot sa mahigit £62,400 o mahigit P3.6 million ang huling bid para sa bawat piraso ng antigong mga barya. Dagdag ng ulat, nasa kabuuang £754,000 o mahigit P44.6 million naisubasta ang naturang koleksyon.
Nananatili namang itinago ang pagkakakilanlan ng mag-asawang nakadiskubre sa mga barya.