Dalawang buwan bago ang pagsabak ni Miss Universe Philippines Celeste Cortesi sa prestihiyusong pageant, ipinasilip na nito ang kaniyang puspusang pagsasanay para ibandera ang gandang Pinay sa international arena.
Sa unang episode ng Cammina Con Celeste nitong Sabado, ilang paghahanda na ang ipinakita ng Empire Philippines para masiguro ang ikalimang Miss Universe crown para sa bansa.
Kabilang na rito ang pagiging aktibo ni Celeste bilang volunteer at spokesperson sa kaniyang charity works sa tulong ng kaniyang organisasyon at ng Save the Children Foundation.
Orihinal na taga-Italya, taong 2018 nang manirahan si Celeste sa Pilipinas.
Pangunahing misyon ng beauty queen ang madiskubre ang kaniyang pinagmulan bilang isang Pilipina, matuto at kayaning makapagsarili kalaunan.
Nang maiuuwi ang titulo noong Abril, ibang pananaw sa kaniyang buhay ang naitatak aniya mula noon, lalo pa’t kakatawanin ni Celeste ang Pilipinas sa Miss Universe sa Enero.
Puspusan, masaya at ini-enjoy lang ng Pinay representative ang kaniyang pagsasanay para sa nalalapit niyang laban.
Tiwala rin si Celeste sa kaniyang core team para masungkit ang korona.
“I am very excited to show everything on the Miss Universe stage,” aniya pa.
Ikinabahala naman ng Pinoy pageant fans ang pagkakatapilok ni Celeste habang sumasabak sa kaniyang training sa pareho pa ring vlog.
“I fell down during my pasarela training and it was like after two hours of walking,” anang Pinay rep.
“Yes, I fell down but I stood up immediately. I believe I was very tired but I was so very happy because I learned so many things during that training,” dagdag ni Celeste.
Anang fans, dapat umanong ingatan ni Celeste na hindi magtamo ng injury bago ang kompetisyon.
“Hope she's ok. Jusko, bawal ma-injury Celeste, kinabahan ako sa tapilok mo. Laban lang!” paghikayat ng isang fan sa Facebook.
“Yung puso ko! Shuta HAHAHA Lumaban ka Celeste!”
“Laban lang Celeste ngiti parin miske madapa”
“Bumangon ka! Lumaban ka, Celeste!!!!”
“Napasigaw ako!”
“Laban celeste! Mahal na mahal ka namin!”
Pagmamalaking saad ng beauty queen: “No matter how many times you fall, you have to stand up with a smile.”
Ngayon pa lang, laging nakatatak na kay Celeste ang kaniyang dahilan para sa paglaban: para sa pamilya, sa kaniyang charity work at sa bansa.
Kaya naman sa walang humpay na pagsasanay ibinuhos ng Pinay beauty queen ang natitirang panahon bago ang inaabangang kompetisyon.