CAMP BGEN. VICENTE LIM, Laguna -- Iniulat ng Police Regional Office 4A (PRO4A) na arestado ang apat na suspek ng robbery-hold-up group noong Nobyembre 26, 2022 sa isinagawang follow-up operation ng magkasanib na operatiba ng pulisya sa Calabarzon sa Taguig City.

Kinilala sa ulat ni PRO4A regional director Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr, ang mga suspek na sina Larry Perez Gilbero, Jr alyas Eljay, 20, ng Paco, Maynila; Jessierell Cañete Eusebio, alyas Micheal at Inggo, 22; John Clister del Rosario Balderama, alyas Bentong, 19, at Diosdado Manahan Tamondong Jr. alyas Dodoy, 19. Sila ay mga residente ng Taguig City.

Sinabi ni Nartates na ang mga operatiba ng Regional Intelligence Division 4A Special Operations Unit, Rizal, Laguna, at Cavite Provincial Intelligence Units, Rizal Provincial Mobile Force Company, Police Stations ng Binangonan, Bacoor, at Imus City sa pakikipag-ugnayan sa Taguig City Police Station sinalakay ang pinagkukutaan ng mga suspek sa Brgy. Calzada, Tipas, Taguig City.

Nag-ugat ang hot pursuit base sa ulat noong Nobyembre 25, Biyernes na ang Alfa Mart convenience store sa Advincula Avenue, Brgy. Alapan 2-A, Imus City, Cavite ay hinoldap habang nakatutok ang baril sa mga crew nito.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang mga suspek ay nakasuot ng jacket, maong pants, baseball cap, at facemask at tinangay ang tinatayang halagang P30,000.00 at apat na mobile phone. Agad namang tumakas ang mga suspek sakay sa dalawang motorsiklo.

Idinagdag ni Nartates na tinugis ng mga operatiba ng PNP Calabarzon ang nasabing mga suspek sa pamamagitan ng pagrepaso sa mga nakalap ng CCTV footage noong Nobyembre 25, 2022, simula sa Alfa Mart convenience store sa Imus at iba pang CCTV sa mga ruta kung saan tumakas ang mga suspek na tuluyang natunton ang kanilang pinagtataguan sa Taguig City.

Gayundin, natunton ng mga imbestigador ang mga suspek sa paggamit ng GPS tracker na naka-install sa isa sa mga ninakaw na mobile phone ng mga biktima.

Nakumpiska sa mga suspek ang dalawang kalibre .38 pistola na may defaced serial number, isang kalibre .22 pistol, mga bala, mga ninakaw na mobile phone, isang hand grenade, at isang Mio motorcycle.

Ang nasabing motorsiklo ay positibong kinilala ng mga biktima ng Alfa Mart crew na sasakyan ginamit ng mga suspek sa pagtakas.