Nangako si Ombudsman Samuel Martires na iimbestigahan ang usapin sa implementasyon ng Fisheries Administrative (FA) Order ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kung saan ipinagbabawal ang pagtitinda ng mga imported na isda sa palengke sa bansa.
Paglilinaw ni Martires, aalamin ng anti-graft agency kung bakit ngayon lang ipinatutupad ang FA Order 195 kahit naging epektibo ito noong 1999.
Pinagpapaliwanag naman ni Martires ang mga opisyal ng BFAR sa loob ng tatlong araw.
Ito ay tugon ni Martires sa naunang pahayag ng BFAR na simula sa Disyembre 4 ay huhulihin na nila ang mga imported na pink salmon at pompano na iligal na ibinebenta sa mga palengke.
Nauna nang inihayag ng BFAR na ang mga imported na isda ay para lang sa mga canning company, at processing at institutional buyers.
Sa panig naman ni BFAR spokesperson Nazario Briguera, matagal na umanong ipinatutupad ang kontrobersyal na FAO. sabi pa nito.
"Hindi lang naman ngayon ipinatupad. In fact 'yan ang ginagamit nating batas pagdating sa pagbibigay ng mga permit doon sa mga importers kapag ang kanilang market destination ay mga institutional buyers. Nagkataon lang talaga na nagkaroon tayo ngayon ng massive information dissemination campaign," sabi pa ni Briguera sa panayam sa telebisyon.
Matatandaang sinabi ng ilang tindera sa mga palengke sa Quezon City na binibili nila ang mga imported na isda, kabilang na ang pink salmon at pompano, sa mga cold storage facility sa Navotas City Fishport.