GUMACA, Quezon — Patay ang isang magsasaka habang sugatan ang lima pang katao nang banggain ng isang van na nawalan ng kontrol ang kanilang sinasakyang tricycle sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Villa Padua ng bayang ito noong Biyernes ng hapon, Nobyembre 25.

Kinilala pulisya ang nasawi na si Victorino Calvelo, 70-anyos, magsasaka, at residente ng Brgy Camohaguin, dito.

Sugatan naman sina Danbert Caparros, 2; Aileen Villapando, 35; Senen Amolar, 69; Jacinto Huin, 49, at Jose Serjuelas Amolar, 58, tricycle driver at pawang residente ng Barangay Camohaguin at sila ay ginagamot sa Gumaca District Hospital at RAKKK Hospital.

Nagtamo ng malubhang pinsala sa katawan si Calvelo at isinugod sa San Diego Hospital ngunit idineklara itong dead on arrival (DOA).

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Inaresto ng pulisya ang suspek na si Jeremie Lorena Masayon, 37, residente ng Tanauan City, Batangas, driver ng Hyundai H100 Shuttle Van, na may plakang NGN2197.

Ayon sa imbestigasyon, alas-3 ng hapon binabaybay ng tricycle ng mga biktima ang kurbadang bahagi ng highway patungong timog (direksyon ng Bicol) nang sakupin ng Hyundai van sa kabilang lane ang south lane dahil nawalan ito ng kontrol at bumangga sa sasakyan ng mga biktima.

Agad namangrumesponde ang mga tauhan ng Municipal Risk Reduction Management Office-KALASAG rescue team.