Muling mapapanood sa telebisyon ang broadcaster na si Anthony Taberna o Ka Tunying sa kaniyang bagong public service program na "Kuha All" ngayong Nobyembre 26, 5:00 ng hapon.

Ayon sa ulat ng Philippine Entertainment Portal o PEP, dumalo sa kaniyang media conference noong Nobyembre 21 si Ka Tunying sa Sixty-Four restaurant ng Evia Lifestyle Center, Daang Hari, Almanza Dos, Las Piñas City kaugnay ng pag-ere ng kauna-unahang public service program ng ALLTV, kung saan, si Ka Tunying ang magsisilbing pioneer.

Masayang-masaya si Ka Tunying dahil finally raw ay balik-mainstream na siya. Bagama't hindi naman siya nawala dahil napapanood naman siya sa kaniyang mga social media platforms kapag nagla-Live siya, iba pa rin daw kapag napapanood na sa telebisyon.

Abalang-abala raw ang broadcaster sa kaniyang mga taping dahil sa isang episode daw ng Kuha All, umaabot ng tatlong araw na shooting. Masinsin daw kasi ang producers nito at titiyaking talagang pinaghandaan ang muling pagbabalik sa telebisyon ni Taberna, at ang unang flagship public service show ng ALLTV.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Dahil dito, nagbigay-pugay si Ka Tunying sa kaniyang mga naging programa sa ABS-CBN na naging tahanan niya sa loob ng mahahabang taon, bago siya nagdesisyong magbitiw noong 2020.

Ilan sa mga binanggit niya ay ang defunct morning show na "Umagang Kay Ganda", "Ang Kalye: Mga Kuwento ng Lansangan", at ang "XXX".

Noon pa nga raw ay nakakatanggap siya ng death threats dahil sa mga expose nila, kaya sanay na raw siya at pinatibay na ng mga karanasan dahil sa mga naging programa sa ABS.

Sa kaniyang Instagram post ay inanyayahan ni Taberna ang mga manonood na panoorin at suportahan ang kaniyang programa.

"Mamayang 5pm na sa All TV. Makikisuyo po muli gaya ng dati. Konting oras lang po," aniya.