Mapapanuod sa YouTube channel na naging tahanan ng naglalakihang K-pop artists kagaya ng male groups na BTS, at Pentagon ang music video ng theme song ng “Dream Maker,” ang latest boy group survival reality show ng ABS-CBN.

Dalawang linggo matapos umere ang “Dream Maker” sa bansa, ang lokal na bersyon ng South Korean format na “Produce 101,” inilabas naman ang theme song nito ngayong Biyernes.

Sa pagsasanib-puwersa ng parehong Pinoy at South Korean creatives, napakinggan at napanuod na nga ang music video ng “Take My Hand.”

Tampok dito ang mahigit 60 young dreamers, kung saan pito lang sa huli ang sasailalim sa matinding pagsasanay sa South Korea, at magiging kauna-unahang Pinoy group na ipakikilala sa hallyu capital.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Sa MV, todo-hataw na ang dreamers na kapansin-pansin ang potensyal maging global idol.

Pinuri naman ng netizens ang mala-Korean na produksyon at paghahanda ng programa na makikita sa anggulo, tunog at choreography ng dreamers.

Kasabay ng release ng theme song at MV sa orihinal na YouTube channel nito, kaparehong content din ang ibinahagi sa dambuhalang 1theK YouTube channel, Biyernes.

Ang naturang channel ay naging tahanan ng ilang hit music videos ng naglalakihang K-pop artists kagaya ng mga unang mga kanta ng BTS na Fire, at Dope; BBoom Bboom ng Momoland; Maria ni Hwasa; at BBIBBI ni IU; bukod sa maraming iba pa.

Hindi naman nakapagtataka ang pagtalon ng Pinoy dreamers sa K-pop giant dahil katuwang ng ABS-CBN ang MLD Entertainment at KAMP Global bilang producer ng programa.

Bukod pa rito, ilang K-pop talents, at trainers din kabilang na nina Thunder, Seo Won-jin, Bae Yoon-jung, Bae Wan-hee, BULL$EYE, at Jea ang hands-on din bilang dream mentors kasama sina Darren Espanto, Bailey May, at Angeline Quinto.

Ngayon pa lang, may international audience na agad ang Pinoy idol hopefuls sa mahigit 24.3 million subscribers ng 1theK sa YouTube.

Sa pag-uulat, mayroon na itong nasa 13,000 views.

Mapapanuod ang Dream Maker sa Kapamilya Channel, A2Z at kaugnay na mga online broadcast, kada-Sabado at Linggo.

Ang parehong “It’s Showtime” hosts na sina Kim Chiu at Ryan Bang ang host ng trending show.