Nasa ₱52.8 milyong halaga ng puslit na sigarilyo ang nasabat ng mga awtoridad sa karagatan ng Zamboanga City kamakailan na ikinaaresto ng 25 na pinaghihinalaang smuggler.
Sa pahayag ni Navy Flag-Officer-in-Command, concurrent Naval Forces Western Mindanao (NFWM) commander Rear Admiral Toribio Adaci, Jr., hindi muna nila isinapubliko ang pagkakakilanlan ng mga suspek habang nagsasagawa pa sila ng imbestigasyon.
Naharang aniya ng mga tauhan nito ang limang bangkang de-motor lulan ang nasabing halaga ng sigarilyo sa karagatan sa Barangay Labuan nitong Miyerkules, dakong 3:45 ng hapon.
Aniya, kinumpiska ang 1,511 kahon ng sigarilyo matapos mabigong magharap ng mga dokumento ang 25 na dinampot sa ikinasang anti-smuggling operation.
Natuklasan ng mga awtoridad na nanggaling pa sa Indonesia ang puslit na sigarilyo.
Nasa kustodiya na ng Bureau of Customs (BOC) ang mga tripulante, kasama ang nasabing halaga ng sigarilyo at limang bangka.
Philippine News Agency