Binalaan ng isang independent monitoring group ang publiko dahil sa posibilidad na magkaroon muli ng panibagong bugso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa Metro Manila bunsod na rin ng pagtaas ng positivity rate ng sakit.

"NCR weekly positivity rate spiked up from 7.4% to 9.2%. Unless these trends do not progress, we could be seeing the start of another wave of infections in the NCR," bahagi ng Twitter post ni OCTA Research fellow, Dr. Guido David.

Naitala aniya ang paglobo ng positivity rate ng virus sa National Capital Region (NCR) simula Nobyembre 15 hanggang Nobyembre 22.

Sa pahayag ng OCTA Research, ang positivity rate ay tumutukoy sa porsyento o bilang ng mga taong nagpopositibo sa sakit matapos sumailalim sa pagsusuri.

National

Midyear bonus ng qualified gov’t employees, matatanggap na simula Mayo 15 – DBM

Sa pahayag naman ng Department of Health (DOH), naitala nila sa Metro Manila ang 3,382 na pinakamataas na bilang ng nahawaan sa nakalipas na dalawang linggo.

Bukod dito, nakitaan din ng pagtaas ng Covid-19 cases sa Calabarzon (Region 4A), Western Visayas, Central Luzon at Central Visayas.

Nauna nang inihayag ng ahensya na magsasagawa muli sila ng nationwide Covid-19 vaccination drive sa Disyembre para sa mga nasa 5-11 age group at sa mga hindi pa natuturukan ng unang booster shots.

Nasa 73.7 milyon na ang fully vaccinated laban sa virus habang aabot sa 20.9 milyong indibidwal ang nakatanggap na ng unang booster shot.