Pinadalhan na ng Philippine government ng note verbale ang China kasunod na rin ng komprontasyon sa pagitan ng tropa ng gobyerno at ng Chinese Coast Guard, malapit sa Pag-asa Island sa Palawan, ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo.
"Yes, in fact even before that, we are studying the incident. The department has also taken action. We have issued a note verbale already seeking clarification from China on the incident," pahayag ni Manalo sa panayam ng CNN Philippines nitong Huwebes.
Sinabi ni Manalo na bago isagawa ang naturang hakbang, sinabihan na sila ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na dapat ay padalhan ng note verbale ang China upang makuha ang kanilang panig sa nangyaring insidente sa Pag-asa Island kamakailan.
Ang Pag-asa Island na nasa West Philippine Sea ay nasa exclusive economic zone ng Pilipinas.
Nauna na ring binanggit ni Marcos na isa ang nasabing insidente sa kanyang dahilan kung bakit nais niyang magtungo sa China para sa isang state visit sa susunod na taon.
Nitong nakaraang Linggo, nagkaroon umano ng komprontasyon sa pagitan ng mga sundalong Pinoy na naka-base sa Naval Station Emilio Liwanag (NSEL) at Coast Guard ng China matapos na agawin ng huli ang isang naaanod na bagay na pinaniniwalaang bahagi ng Long March 5B rocket na pinalipad ng China nitong Oktubre 31.