Nagbigay-babala sa publiko ang beteranang aktres na si Jaclyn Jose hinggil sa umano'y paggamit ng hindi pa nakikilalang scammer sa kaniyang social media account upang makapanloko at makapanghuthot ng pera sa kaniyang mga kaibigan o kakilala.
Ayon sa Instagram post ni Jaclyn noong Miyerkules, Nobyembre 23, na-hack umano ang kaniyang cellphone at may ibang taong gumagamit ng kaniyang social media account na nagpapadala ng mensahe sa kaniyang mga kakilala upang humiram kuno ng pera na nagkakahalagang ₱20K.
"My phone has been hacked… pls ignore if some one is asking for money di po ako yun," babala ni Jaclyn.
Dagdag pa niya, "Ang style kamusta… those who know me alam nila hindi ako 'yan… pls wag paloko… ako na sana ang huling naloko ng mga taong ito…"
Hinala pa ang aktres na taga-industriya ng showbiz din ang gumawa nito.
"I think taga-industry ito… alam niya ang zoom, meaning di puwede video call kasi nasa zoom…"
Sa isa pang IG post ay muling nagbabala ang batikang aktres, lalo na sa kaniyang social media friends at followers.
"Pls ignore if some one is asking for money na hacked po phone…hindi po ako yun."
Kalakip ng mga IG post na ito ang screengrab ng conversation thread sa social media na maaaring ipinadala sa kaniya ng kakilalang sinusubukang goyohin.
Mababasa sa convo na nangumusta ang nagpapanggap na Jaclyn Jose sa kaniyang bibiktimahin. Humingi ito ng pabor sa kausap, at nanghihiram ng ₱20K.
Nang subukin itong tawagan, hindi nagpaunlak ang scammer. Chat na lamang daw dahil nasa Zoom meeting umano siya.
Pinag-ingat naman ng kaniyang mga tagasuporta sa IG si Jaclyn.