Mahigpit ang kautusan ni Manila Mayor Honey Lacuna sa Manila Police District (MPD) na tugisin at panagutin sa batas ang mga source ng illegal na droga, paigtingin ang police visibility at tutukan ang mga rape cases sa lungsod.
Ayon kay Lacuna, mahalaga para sa kanya ang peace and order situation sa lungsod upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan.
“Napakahalaga po sa akin ng peace and order. Siguro iniisip nila pag babae, di naka-focus ang peace and order. May areas na dapat tutukan, of course, andiyan pa din ang problema sa droga,” pahayag pa ni Lacuna, sa idinaos na Balitaan sa Harbor View ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA).
Bagamat natutuwa ang alkalde na nahuhuli ang mga drug users, hinikayat rin niya ang MPD sa ilalim ng pamumuno ni PBGEN Andre Dizon na tugisin ang mismong mga pinagmumulan o source ng mga ilegal na droga sa Maynila.
“Okay na nakakahuli tayo ng drug users at nakakalungkot na kung sino ang walang kakayanan, siyang nagamit. But we have to go after the source kasi kung ito lang mga users ang matututukan, maliit lang.Pag nakuha ang source, mas madali mawawala ang mga gumagamit,” anang alkalde.
Dagdag pa ng alkalde, “ang mga krimeng di katanggap-tanggap lalo na para sa ‘kin, tulad ng mga insidente ng panggagahasa, lalo na kung ang biktima ay menor de edad, ito ay dahil na rin sa may standing order na siya na bigyan ng espesyal na atensyon ang mgarape cases sa kabisera ng bansa.
Binigyan din ng alkalde ng espisipikong bilin si Dizon na bigyan ng importansiya ang pagpapaigting ng police visibility sa mga crime-prone areas kabilang na ang university belt area.
“Di lang ‘yung nakatayo o steady na nakikita ang pulis kundi dapat kumikilos, laging naglilibot. Pinatututukan natin ang university belt. Kahilingan ng schools na kung pwede, during time ng pagpasok at paglabas ay may nakaantabay na pulis,” pahayag pa ni Lacuna.
Sa kabuuan, nagpahayag naman ng kasiyahan si Lacuna saperformance ng MPD lalo na sa ginawang hakbang nito sa paglalagay ng mga tarpaulins sa mga espesipikong lugar kung saan makikita at mababasa ng mamamayan kung saan sila hihingi ngpolice assistance kung kinakailangan.
Umaasa din ang alkalde na maglalagay ang kapulisan ng police desks sa mga eskwelahan.
“In general, maayos at maganda ang performance ng kapulisan sa lungsod ng Maynila dahil sa pinaigting na police visibility dahil na din sa habilin ni NCRPO Chief BGen. Jonnel Estomo na habang natutulog ang mga tao, dapat sila ay gising,” dagdag pa ng alkalde.