Wala pa ring pinalad na magwagi sa jackpot prize ng UltraLotto 6/58 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kaya't inaasahang tataas pa ang naturang premyo sa susunod na bola nito sa Biyernes, Nobyembre 25, 2022.

Batay sa jackpot estimates ng PCSO nitong Miyerkules, posibleng umabot na sa mahigit ₱283 milyon ang jackpot prize ng UltraLotto 6/58 ngayong Friday draw.

Ayon sa PCSO, wala kasing nagwagi sa ₱269,003,650.40 jackpot prize nito dahil walang nakahula sa six-digit winning combination na 08-03-21-51-07-58 na binola nitong Martes ng gabi.

Nasa 24 mananaya naman ang nakapag-uwi ng tig-₱120,000 na second prize para sa nahulaang tiglimang tamang numero.

National

‘Big Boss’ ng POGO sa Bamban at Porac, Tarlac, arestado na

Samantala, ayon pa sa PCSO, tinatayang aabot naman sa higit ₱56.5 milyon ang jackpot prize ng SuperLotto 6/49 na bobolahin naman ngayong Huwebes ng gabi.

Wala rin kasi anilang nakahula sa six-digit winning combination nitong 03 -28 -23 -39 -48 -34 na binola rin nitong Martes ng gabi at may katumbas na jackpot prize na ₱52,448,618.40.

Mayroon namang 10 mananaya na nakapag-uwi ng tig-P50,000 na second prize matapos makahula ng tig-limang tamang numero.

Ang jackpot prize naman ng Lotto 6/42 ay inaasahang aabot na sa ₱23.5 milyon ngayong Thursday draw dahil hindi rin naiuwi ang papremyo nitong ₱20,909,088.40 matapos na walang makahula sa six digit combination nito na 05 -26 -32 -08 -13 -09, na binola rin nitong Martes ng gabi.

Nasa 33 mananaya naman ang nagwagi ng second prize na tig-₱24,000 para sa nahulaang tiglimang tamang numero.

Kaugnay nito, hinikayat naman ni PCSO General Manager Melquiades Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin at tumaya sa lotto at iba pa nilang lotto games upang magkaroon na ng pagkakataong maging susunod na milyonaryo ay makatulong pa sa kawanggawa. 

Ang UltraLotto 6/58 ay binobola tuwing Martes, Biyernes at Linggo habang ang SuperLotto 6/49 naman ay may bola tuwing Martes, Huwebes at Linggo.

Ang Regular Lotto 6/42 ay binobola naman tuwing Martes, Huwebes at Sabado.