Sampung kalalakihang nagpanggap na ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang inaresto dahil sa kasong serious illegal detention at attempted robbery na isinampa ng isang residente ng Ayala Alabang Village sa Muntinlupa noong Nob. 22.

Ani Brig. Gen. Kirby John Kraft ng Southern Police District (SPD), ang 10 suspek ay nahaharap din sa mga kasong usurpation of authority at trespass to dwelling.

Kinilala ang mga naarestong suspek na sina David Tan Liao, 46, travel agency agent; Fritz Ian Petil Cafino, 33, at Ronaldo Cadalena Zuniega, 33, kapwa utility personnel ng Long-Shang Travel Agency; Andy Ko Sy, 50 driver at tagasalin; Erlindo Cuago Auditor, 48, tricycle driver; Roderick Segundo Ensano, 48, taxi driver; Bienvinido Biolango Vildad Jr., 47, driver; Ernesto Solamillo Baay, 45, driver; Roberto Daradar Pacis, 65, messenger; at Jonathan Caliwag Salud, 46, immigration officer.

Pinaghahanap ng pulisya si Jose Romel Herbolingo Congreso, 50, at apat pang hindi pa nakikilalang suspek.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Ayon sa pulisya, nangyari ang detention at tangkang pagnanakaw dakong alas-9 ng umaga sa loob ng barangay.

Pumasok sa Madrigal Gate ng Ayala Alabang Village ang mga suspek na sakay ng dalawang sasakyan. Ipinaalam nila sa mga tanod ng nayon na bibisita sila sa mga kaibigang nakatira sa Maria Cristina Street.

Pagdating sa loob ng nayon, pinuntahan ng mga suspek ang bahay ng biktimang si Weijian Pan, 33, isang Chinese na negosyante, sa Country Club Drive.

Nagpakilalang mga ahente ng NBI, binantaan umano ng mga suspek si Erick Cai, 19, isang Chinese interpreter, at puwersahang binuksan ang gate.

Pagkapasok sa bahay, nilapitan ng suspek na si Liao ang biktima at humingi ng P40 milyon kapalit ng kanyang kalayaan. Ikinulong ng mga suspek ang biktima hanggang alas-7 ng gabi.

Ang isa pang biktima na si Juvanie Baterna Lapinig, 30, personal driver ni Pan, ay tumawag sa mga security guard ng barangay at humingi ng tulong. Agad namang nirespondehan ng mga security guard ang tawag na naging dahilan ng pagkakaaresto sa mga suspek.

Nagpasalamat naman si Kraft sa mga security guard sa kanilang mabilis na pagresponde at pagkakaaresto sa mga suspek.

“Suspects were presented for inquest proceedings before the City Prosecutor’s Office of Muntinlupa,” ani Kraft.

Jonathan Hicap