Isa sa mga tinalakay ng co-hosts na sina Cristy Fermin at Romel Chika sa kanilang radio program na "Cristy Ferminute" ngayong Martes, Nobyembre 22, ang pagkakalipat na kay "It's Showtime" host Vhong Navarro sa mula sa National Bureau of Investigation o NBI Detention Center patungong Taguig City Jail.

Kaugnay pa rin ito ng dalawang kasong muling binuhay at isinampa sa kaniya ni Deniece Cornejo na pawang non-bailable o hindi maaaring makapagpiyansa. Ayon sa press statement ng NBI, 4:00 ng hapon, Nobyembre 21, nang ilipat na ang actor-Tv host-dancer sa Taguig City Jail. Sumailalim pa umano ang aktor sa quarantine bilang pagtalima sa health protocols kaugnay ng Covid-19.

"After completing all the required health protocols, actor Vhong Navarro has been transferred to the BJMP in Taguig City at about 4 o' clock this afternoon," ayon sa Facebook post ng NBI kalakip ang mga litrato nito.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kapansin-pansing nakasuot ng sweater si Vhong, may suot na sumbrero at itim na face mask kaya hindi kaagad siya makikilala. May suot din itong eyeglasses.

Bagay na napansin naman ina Cristy at Romel na tila namayat daw nang sobra si Vhong. Ani Romel, kapansin-pansin daw na bagsak ang mga balikat ng TV host-dancer.

Sinang-ayunan naman ito ni Cristy.

"Napakapayat. Pumayat at saka ano talaga, nakakalungkot. Hindi naman siya siguro maaaring masaktan doon dahil ayon nga sa mga nakausap naman ng kaniyang mga abogado ay mahigpit doon lalo na ang warden, mahigpit talaga."

Dasal na lamang ni Cristy, "Ipanalangin na lang natin na sana'y mabigyan na siya ng piyansa. Baka ang kasunod na nito ay ang pagbibigay ng piyansa sa kaniya dahil nandoon na siya sa pinag-ugatan ng kaso."

Pag-amin din ni Cristy, masakit sa kaloobang makita si Vhong na nakaposas ang mga kamay habang ibinabiyahe patungong Taguig City Jail.

Batay umano sa mga naririnig niyang kuwento, mas malawak at mas maganda raw ang pasilidad sa Taguig City Jail. Kaya lang, kahit gaanong kagandang paglalarawan pa raw ang gawin, ang kulungan ay kulungan pa rin.

Hangad din ni Cristy na sana raw ay huwag masaktan si Vhong sa bago niyang paglalagakan.