Pinangunahan ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang pagdiriwang ng kaarawan ng may 442 senior citizens nitong Martes, gayundin ang pamamahagi ng cash gifts para sa kanila.
Ito'y ilang pagkilala sa kontribusyon ng mga senior citizens sa pag-unlad ng bansa.
Nabatid na bukod sa selebrasyon na ginanap sa San Juan City Hall Atrium, binigyan rin ng lokal na pamahalaan ang mga senior citizen na birthday celebrators ng cash gift para sa kanilang kaarawan.
“Ito po ay aming pasasalamat sa inyo dahil kayo po ay kinokonsidera kong aming gabay, nirerespeto namin kayo, at napakahalaga sa ating komunidad, sa ating lungsod. Nakikita natin ang tuwa ng ating mga senior citizens ngayon at hinabol talaga namin ang inyong birthday ngayong taon," ayon kay Zamora.
“Ang wish ko ay maabutan ko kayong lahat ng cheke sa inyong 100th birthday. Nakakaanim na po tayong centenarians sa San Juan,” dagdag pa ng alkalde.
Nabatid na ang mga centenarians ng lungsod ay binibigyan ng tig- P50,000 ng lokal na pamahalaan, bukod pa sa P100,000 na ipinagkakaloob ng national government.
Nasa kabuuang 442 senior citizens naman na nagdiwang ng kanilang 70, 80, at 90 taong kaarawan ngayong taon, ang inimbitahan sa pagtitipon, na dinaluhan rin ni Cong. Bel Zamora.
Ang nagdiwang naman ng 90th birthday ay nagdaos rin ng cake-blowing ceremony kasama si Mayor Zamora upang katawanin ang lahat ng senior citizens sa lungsod.
Bukod sa rekognisyon, tumanggap rin sila ng cash assistance upang makatulong sa kanilang mga pangangailangan.
Alinsunod anila ito sa City Ordinance No. 81, series of 2022, o The Ordinance Further Extending Financial Benefits to Senior Citizens Who Have Reached the Ages of 70, 80, and 90 Years of Age and Providing Funds for the Purpose.
Nabatid na nasa 333 na 70-year-old senior citizens ang tatanggap ng tig-P3,000; nasa 90 na 80-year-old citizens ang tatanggap ng tig-P5,000, at nasa 19 na 90-year-olds naman ang tatanggap ng tig-P8,000 in cash.
Ang naturang financial aid ay karagdagan lang sa social pension na matatanggap ng mga senior citizens kada buwan.
"Ginawa ko ito dahil kapag 100, bangenge ka na, kaya dito hinati-hati ko,” ayon kay Coun. Totoy Bernardo, na isang senior citizen na rin at siyang nag-sponsor ng ordinansa.
Nagpapasalamat rin naman siya kay Zamora dahil sa suporta sa mga senior citizens.