Naghain si Senador Lito Lapid ng isang resolusyon sa Senado na pumupuri at kumikilala sa karangalang dinala ng actress-beauty queen na si Kylie Verzosa matapos masungkit ang "Best Actress" award sa naganap na 2022 Distinctive International Arab Festivals Awards para sa pinagbidahang pelikulang "The Housemaid".

Ayon sa ulat, ang Resolution No. 314 ay deserve umano ni Verzosa dahil sa mahusay na pagganap nito sa nabanggit na pelikula, na nagdala aniya ng karangalan sa bansa. Ang naturang pelikula ay adaptation mula sa isang South Korean movie na ganoon din ang pamagat.

"Dapat lang na bigyang-parangal ang mga aktor gaya ni Kylie Verzosa sa kanilang mga pambihirang pagganap na nagpapakita sa buong mundo ng husay at galing ng mga Pilipino sa sining ng pag-arte," ani Lapid.

Karapat-dapat aniyang kilalanin ang mga de-kalidad at namumukod-tanging pagganap ng mga Pilipinong aktor at aktres na nakapag-uwi ng mga prestihiyosong parangal mula sa ibang bansa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ngunit tila umani naman ito ng batikos mula sa mga netizen, na mababasa sa comment section ng isang online news site.

"Proud na proud po kami sa inyo, Senator, naisip n'yo 'yan."

"Ang puwedeng batas na puwedeng makatulong sa bansa, 'yan pa talaga naisip mo?"

"Dahil diyan sa resolusyon na 'yan senator, maraming Pilipino ang makakaahon na sa kahirapan. Pakagaling!"

"Pinakamagandang resolusyon na narinig ko…"

"Ay senador ka pa pala?"

"Sir, sana magpasa ka rin ng bill para mas matuwa naman po ang sambayanan sa inyo."

"Buti pa yung artistang gumanap na maid, pinararangalan, eh paano yung mga tunay na maids, may parangal din ba? O may dagdag sa suweldo?"

Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Lapid o si Verzosa tungkol dito.