Aminado si Manila Mayor Honey Lacuna na ang pinakamalaking hamon na kanyang kinaharap simula nang maupo sa pagka-alkalde ng Maynila, ay ang makawala sa anino ni dating Manila Mayor Isko Moreno Domagoso.

Ang pag-amin ay ginawa ni Lacuna sa ginanap na “Balitaan sa Harbor View” ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) nitong Lunes.

Ayon sa kauna-unahang lady mayor ng lungsod, maaaring sa ngayon ay hindi pa sanay ang mga tao na wala na si Mayor Isko.

Gayunman, desidido siya na ipakita sa mga mamamayan ang kanyang kakayahan upang pamunuan ang lungsod.

Metro

Tricycle driver na pinatay matapos pagbabarilin, mistaken identity?

Hindi rin umano niya nakikita bilang kahinaan ang kanyang pagiging babaeng alkalde, at sa halip ay bentahe pa nga aniya niya ito dahil mas kumportable ang mga tao na lumapit sa kanya at magpahayag ng niloloob dahil sa kanyang pagiging isang babae.

“Siguro hindi naman kaila sa inyo na true to the essence ay naging partner ako ni Mayor Isko, hindi lang introduction sa programs and policies kundi bahagi talaga ako, so di na naging mahirap sa akin ang transition and very fortunate ako na nung malapit na iwan ni Mayor Isko ang lungsod at maging private citizen, marami siyang itinagubilin,” pahayag pa ni Lacuna.

“Very challenging for me is ‘yung makawala sa shadow ni Mayor Isko at matanggal ang pagkakakilala bilang sunud-sunuran lang. Siguro ‘yung iba, hindi pa din sanay na wala na si Mayor Isko at sa aking paglilibot, in fact bago pa ako maging alkalde, naging katanungan nila sa akin kung kaya kong ipagpatuloy lahat ng projects at programang sinimulan ni Mayor Isko. Lagi kong sagot, ‘opo kaya ko’ kasi nga naging bahagi ako ng past administration at naging napakagaling na mentor po si Mayor Isko,” dagdag pa ni Lacuna.

Tiniyak naman ni Lacuna na sa mga susunod na buwan ay makikita na ng mamamayan ng Maynila ang pagkakaiba sa kanyang administrasyon sa nakalipas na administrasyon.