Marami ang nagulat sa biglaang anunsyo ng "Maalaala Mo Kaya" (MMK) host at isa sa mga ehekutibo ng ABS-CBN na si Charo Santos-Concio na hanggang Disyembre na lamang eere at mapapanood ang nabanggit na longest-running drama anthology sa bansa.
“Hindi na po mabilang ang nasalaysay na kuwento dito sa ‘MMK’ — mga kuwentong totoo, mga salamin ng sarili ninyong buhay na nagbigay ng aral at ng panibagong pag-asa,” aniya.
“Kulang po ang tatlumpu’t isang taon para magpasalamat sa inyo,” anang host.
“Gusto ko pong magbigay-pugay sa lahat ng nagpadala ng sulat, sa aming mga direktor, writers, researchers, production staff, at sa lahat ng naging bahagi ng aming programa."
"Sa mga artistang gumanap, maraming, maraming salamat. Sa management ng ABS-CBN, sa aming mga sponsors at higit sa lahat sa inyong mga tagapanood, kayo po ang nagsabing makahulugan sa inyo ang aming ginagawa,” pagpapatuloy niya.
“Salamat po sa lahat ng nakaraan at sa anumang paraan na maaaaring pa tayong muling magkita. Ito po si Charo Santos, ang inyong tagahanga at tagapagkuwento.”
Hindi naman nabanggit ang dahilan kung bakit kinakailangang tigbakin ang naturang show, na nagpaiyak sa milyon-milyon nitong tagasubaybay, at nagbigay pa ng pagkakataon sa lahat na hulaan ang titulo ng tampok na episode.
Samantala, nalungkot naman hindi lamang ang mga netizen kundi maging ang celebrities sa balitang ito.
Isa na rito ang kilalang komedyante, writer, at direktor na si John "Sweet" Lapus na nabigyang-pagkakataong makapagdirehe ng isang episode dito.
"Awww such an honor to be able to direct 2 episodes #600pesos and #Choir," ani Sweet.
Iyan din ang tweet ng writer na si Noreen Capili na writer na ngayon sa sitcom na "Daddy's Gurl" sa GMA Network.
"Pinangarap kong magka MMK noong nakapasok ako sa ABS. Natupad lang noong nag-resign na ako sa network at naging freelancer."
"Hindi na nasundan kasi nagda-Daddy's Gurl na ako noon. Director ko sa MMK, co-writer ko now sa DG -@KorekKaJohn. Salamat, MMK! Salamat, Ma'am Charo."
"MMK 🥺🥺🥺," sey naman ni Bianca Gonzalez.
Marami naman sa mga netizen ang naglapag ng kanilang mga di-malilimutang episodes sa MMK. Ito ay ang Agua Bendita (1997), Lobo (2001), Tsinelas (2011), Regalo (2006), Rehas (2007), Abo (1995), Kotse-kotsehan (2017), Manika (2012) at
Piso (2006).
Ngunit sa lahat ng ito, dalawa ang trending ngayon sa Twitter: ang "Regalo" na pinagbidahan nina Vilma Santos-Recto at Maja Salvador, at "Rehas" na pinagbidahan ni Gina Pareño na tungkol sa kuwento ng pagkulong niya sa tatlong anak na nasiraan ng bait.
Samantala, marami naman ang humihiling na sana raw ay huwag nang tsugihin ang show dahil legacy na ito ng ABS-CBN. Kung si Charo lamang daw ang kailangang umalis dahil may kailangan daw itong asikasuhin sa US, sana raw ay palitan na lamang siya. Ang lumutang na maaari umanong pumalit sa kaniya ay si Judy Ann Santos.
Wala pang paliwanag ang ABS-CBN sa dahilan ng pagpapaalam ng MMK sa ere, na kamakailan lamang ay napabalita pang mapapanood na sa Africa, at dina-dub pa sa English ang ilang episodes nito.