Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Martes na nalampasan na nila ang 100% ng kanilang infant immunization target sa National Capital Region (NCR).
Ayon sa DOH, sa pamamagitan ng kanilang Metro Manila Center for Health Development (CHD), at masusing koordinasyon sa local government units (LGU), matagumpay nilang nabakunahan ang mahigit sa 137,701 sanggol sa NCR, bilang bahagi ng kanilang “Vax-Baby-Vax” campaign.
Anang DOH, ang naturang kumpanya ay isang 10-day catch-up immunization campaign na inilunsad noong Nobyembre 7 upang protektahan ang mga sanggol na nagkakaedad ng 0-12 months lamang sa NCR laban sa vaccine preventable diseases (VPDs), kabilang na ang polio, measles, mumps, rubella, diphtheria, hepatitis B, at human papillomavirus (HPV).
Nabatid na ang orihinal na total target na mabakunahan sa rehiyon ay nasa 137,000 sanggol lamang ngunit nalampasan pa ito ng DOH ng 701 pang mga sanggol, sanhi upang maabot ang total coverage rate na 100.48%.
Kaugnay nito, kinilala ng DOH ang tatlong top performing cities na nakapagtala ng pinakamataas na coverage rates batay sa kani-kanilang target populations.
Kabilang dito ang Manila City na may 28,073 o 130%; Quezon City na may 23,732 o 129%; at Paranaque City na may 10,803 o 122%.
“We are very proud of this achievement not because we exceeded our target, but because having done so means that we were successful in protecting our children against debilitating but easily-preventable diseases ,” ayon pa kay Health OIC Maria Rosario Singh-Vergeire.
Aniya, inilunsad nila ang Vax-Baby-Vax campaign upang pataasin ang immunization coverage sa rehiyon, at mabakunahan ang mga sanggol na naka-missed ng kanilang routine immunization dahil sa Covid-19 pandemic.
Batay sa pinakahuling available na datos hinggil sa immunization coverage, nasa 1.4 milyong Pinoy na isinilang noong panahon ng Covid-19 pandemic ang hindi pa nakatanggap kahit na single vaccine dose.
“We all know how the pandemic affected us. Due to mobility restrictions and other exacerbating factors, marami sa ating mga anak ang hindi nabigyan ng karampatang bakuna na poprotekta dapat sa kanila laban sa iba’t ibang mga sakit. Ang paalala lamang po natin sa ating mga magulang: hindi pa huli ang lahat para pabakunahan ang ating mga anak. Huwag na po nating hintayin na magkasakit sila at magsisi tayo, ngayon pa lang ay ibigay na natin sa kanila ang proteksyon na kailangan nila upang mabigyan natin sila ng malusog at matiwasay na buhay habang sila ay tumatanda,” apela ni Vergeire.
|
Upang ipagdiwang naman ang naturang tagumpay, binigyan ng DOH ng pagkilala ang pagsusumikap ng mga LGUs, partners, at iba pang stakeholders na nagkaroon ng malaking papel sa rollout ng kampanya.
Nangako rin ang DOH na higit pang magsusumikap upang mas marami pang sanggol ang mabakunahan sa iba't ibang rehiyon sa bansa upang maprotektahan sila laban sa VPDs.
“This is not just the success of the DOH alone; this is also the success of our LGUs, our development partners, our healthcare workers, our parents, and all other stakeholders who offered their relentless support in this difficult endeavor. This milestone is clear proof that if we work together, we can achieve and even exceed our set targets. Nagawa natin ito sa Metro Manila, gagawin din natin ito sa ibang mga rehiyon. With your continued commitment, rest assured that the DOH and our LGUs will stop at nothing to reach every Filipino child, no matter where they are in the country, and safeguard their future by affording them the protection that vaccines continue to provide,” ayon pa kay Vergeire.