Inaasahang tataas pa at aabot na sa mahigit ₱267 milyon ang jackpot prize ng UltraLotto 6/58 sa susunod na bola nito sa Martes, Nobyembre 22.

Sa abiso ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), nabatid na walang nakahula sa six-digit winning combination ng UltraLotto 6/58 na 41-52-36-53-49-15 na binola nitong Linggo ng gabi.

Dahil dito, walang nakapag-uwi sa katumbas nitong jackpot prize na tumataginting na ₱258,135,624.

Mayroon namang 12 mananaya ang muntik nang naging multi-milyonaryo matapos na makahula ng tiglimang tamang numero.  Sila ay nakapag-uwi naman ng tig-₱120,000 na second prize.

National

Hontiveros, pinaiimbestigahan napaulat na mga Pinay na ginagawang surrogates abroad

Samantala, batay sa jackpot estimates ng PCSO, nabatid na ang premyo ng SuperLotto 6/49 na bobolahin rin sa Martes ay papalo naman sa mahigit ₱52 milyon habang jackpot prize naman ng Lotto 6/42 ay inaasahang tataas na sa ₱28 milyon sa sunod na bola.

Ang UltraLotto 6/58 ay binobola tuwing Martes, Biyernes at Linggo habang ang SuperLotto 6/49 naman ay may bola tuwing Martes, Huwebes at Linggo.

Ang Regular Lotto 6/42 ay binobola naman tuwing Martes, Huwebes at Sabado.