Kasabay ng pagdiriwang ng World Fisheries Day, tinuligsa ng isang Filipino fisherfolk group ang “continued reclamation projects” sa Pilipinas.
Nagsagawa ng kinetic protest ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) nitong Lunes, Nob. 21 sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at Department of Environment and Natural Resources (DENR) para igiit ang pagpapawalang-bisa sa 21 environmental compliance certificates ( ECC) sa Manila Bay.
Para sa grupo ng mangingisda, ang mga proyekto sa reclamation ay nagtatakwil sa mga mangingisda at "pagkasira ng yamang dagat."
“Nasisira ang yamang-dagat habang pwersahang pinapalayas ang mga mangingisda para sa reklamasyon. Kasunod nito ang pagbagsak ng supply ng isda sa pamilihan na ginagawang dahilan ng pamahalaan para mag-angkat,” anang Pamalakaya National Spokesperson Ronnel Arambulo.
“Destruction of marine biodiversity for reclamation projects should be a non-negotiable for the DENR, especially under its current leadership who’s been known to have expertise on climate resilience and disaster risk reduction,” dagdag ni Arambulo.
Nauna rito, ibinunyag ng grupo na 187 proyekto ang nakita sa buong bansa, 30 dito ay matatagpuan sa Manila Bay.
Sa halip na reclamation, iminungkahi ng Pamalakaya ang pagsasagawa ng "aktwal na rehabilitasyon at pagpapanumbalik" ng marine biodiversity ng bansa.
Charie Mae F. Abarca