Nagbigay ng "legal life hacks" si dating senatorial candidate Atty. Chel Diokno tungkol sa kung maaari bang maireklamo o makasuhan ang tao o mga taong nagpakalat ng scandal video ng iba, may pahintulot o wala mang pahintulot, ayon sa kaniyang TikTok video.
"Kahit pa may consent ang pagkuha ng intimate video, puwedeng i-report kung ikinalat ito ng walang pahintulot!" saad ni Diokno sa kaniyang caption.
Sa mismong video, mapapanood at mapapakinggan ang ganito:
"Kayo ba ay biktima ng scandal? May batas na nagpoprotekta sa inyo. Ito ay ang Anti Photo and Video Voyeurism Act (RA 9995). Pinarurusahan nito ang pagkuha at pagkakalat ng sensitive photo o video na walang pahintulot ng kinuhanan," aniya.
Mahigpit umanong ipinagbabawal ang sumusunod: "to take photo or video coverage without consent", "to copy or reproduce", "to sell or distribute", at "to publish or broadcast".
Kahit may consent o pahintulot man ng kinuhanan ang photo o video niya subalit nag-reproduce at ibinenta at ikinalat ito na wala namang consent o pahintulot, maituturing pa rin aniya itong isang krimen.
Maaari umanong makulong ng 3 hanggang 7 taon ang sinumang gumawa nito, o/at magmulta ng ₱100K hanggang ₱500K.
Sa pagrereport naman ng mga ganitong krimen, maaaring lumapit sa Philippine National Police o PNP-Anti Cybercrime Group o Complaint Action Center.