Matapos ang halos isang dekada sa showbiz, natupad na sa wakas ang pangarap ni Kapamilya singer Klarisse De Guzman na makapagtanghal ng kaniyang kauna-unahang major solo concert.
Ito an sinaksihan ng fans, pamilya, at mga kaibigan ng orihinal na birit queen at “Your Face Sounds Familiar” champ noong Biyernes, Nob. 19 kasunod ng matagumpay na concert sa Quezon City.
Napuno ng palakpakan, hiyawan, at maging iyakin ang bagong milestone sa career ng singer.
Jam-packed ang New Frontier Theater sa mga naghintay ding pagkakataon na iyon ni Klarisse.
Si “Unkabogable Star” Vice Ganda mismo ang producer ng concert ng singer na nagpahalakhak din sa audience dahil sa hindi mawawalang comedic stint sa entablado.
Present din bilang guests sina KZ Tandingan, Angeline Quinto, at ang nag-iisang Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid.
Sa magkakahiwalay na Instagram posts, pinasalamatan ni Klarisse ang mga tao sa likod ng matagumpay na concert.
Ito’y kabilang na ang kaniyang stage director na si John Prats, ang musical director na si Marvin Querido, ang buong creative team, kaniyang management, ang Star Magic at syempre ang fans.
Special post naman ang inihandog ni Klarisse kay Vice Ganda na unang nag-alok sa singer ng pambihirang pagkakataon.
“Thank you so much meme @praybeytbenjamin for making my DREAM a reality….I Love you meme!!❤️” ani Klarisse.
Pagtugon ni Vice sa hiwalay na Instagram post, "Congratulations @klarissedguzman!!! Indeed one of the country’s best singers. So proud to be part of your journey."
Mula 2013, ang Kapamilya singer ay nakilala bilang runner-up sa unang season ng The Voice Philippines dahilan para pasukin niya ang “Asap Natin ‘To.”
Napabilang ang singer sa kilalang “Birit Queens” kung saan kasama sina Morissette Amon, Angeline Quinto, at Jona, kabi-kabilang sold-out concerts sa loob at labas ng bansa ang kanilang itinanghal.
Si Klarisse ay isang Star Music artist, ang music label ng ABS-CBN sa likod ng mga hit songs na “Wala Na Talaga,” “Ikaw at Ako.” bukod sa iba pa.
Noong 2021, si Klarisse ang itinanghal na champion sa ikatlong season ng “Your Face Sounds Familiar.”