Inamin ng basketball player na si John Amores ang naging dahilan sa kontrobersiyal na kanyang marahas na pambubugbog sa kanilang laban sa National Collegiate Athletic Association (NCAA).

Sa isang panayam sa PlayitRightTV, tapatang inilahad ni Amores na dahil sa pagkadismaya sa laban noong Nob. 8, nagpatuloy si Amores ng suntok na nagdulot ng hindi bababa sa tatlong manlalaro ng College of St. Benilde na nasaktan.

Pag-amin naman ni Amores na domestic issues ang isa sa pinakadahilan niya kung bakit niya nagawa ang mga iyon.

"Siguro po dala lang din ng problema ko the past few days, may dinadala rin pong problema at napepressure din po. Halo halo din po, emotional. Hanggang sa hindi ko na rin po inaasahan e, bigla na lang nangyari," ani Amores.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Dagdag pa ni Amores na nangungulila siya sa kanyang isang taong gulang na anak, na siya ring nakaapekto sa kanyang laro.

Aniya, "'Yung baby ko nga po, hindi ko nakakasama. Kasi nung isinilang po siya lagi akong nakakasama, ako din ang nag-alaga. Hindi ako nasanay na 'di ko kasama, sobrang laki ng problema na biglang naghalo halo."

Pagbabahagi pa ng ngayo'y dropped na sa Jose Rizal University (JRU) basketball program na si Amores na tanging sa video call na lamang niya nakikita ang kanyang anak na si Maria Athena.

Matatandaan na nitong Sabado, Nob. 19, personal na nagtungo sa College of St. Benilde upang humingi ng tawad sa Blazers squad para sa kanyang mga aksyon.

"Humihingi ako ng tawad sa inyo sa insasal ko, sa mga fans ng Benilde, sa JRU community, sa NCAA community. Sa mancom humihingi ako ng pasensya sa inyo, sa fans sorry," ani Amores.

"Sana maipakita ko sa inyo na kaya kong maging better. Hindi naman ganun agad ako mapapatawad, pero kahit paunti unti sana mapatawad ako. Sana sa mga fans na nagco-comment, sana wag idamay ang family ko ang anak ko kasi ako naman ang may kasalanan."

Sinabi ni Amores na ipagpapatuloy pa rin niya ang kanyang pag-aaral habang sinusubukan niyang bumalik sa basketball.

Sasailalim din siya sa counselling at community service para matugunan ang kanyang mga personal na isyu bukod sa pagharap sa mga kasong legal na isinampa laban sa kanya pagkatapos ng insidente.

"Una kong gagawin tapusin ang counselling, ang community service. Kailangan ko pong magsimula sa una, tapusin 'yung sa kaso nga po. Kailangang matapos agad para makapagsimula ng maayos," anang basketbolista.

Dahil sa insidente, na-ban si Amores sa NCAA at natanggal din sa basketball program ng JRU.

Ilang miyembro ng St. Benilde squad ang nagsampa ng physical injury laban sa kanya.

Inamin ni Amores na ang kanyang paghingi ng tawad ay hindi nangangahulugan na siya ay malilinis sa mga kaso, ngunit sinabi niya na nais niyang magsimula sa isang malinis na slate.

"Hindi naman po ako ganun lang papatawarin nila pero kahit papaano personal akong nakapunta doon ng maayos at tinaggap nila ako ng maayos."

Humingi din siya ng paumanhin sa kanyang koponan sa pagpapabaya sa koponan.