Nailipat na sa Taguig City Jail ang komedyante at television host na si Vhong Navarro nitong Lunes, Nobyembre 21.
Isinagawa ang paglilipat ng kustodiya kay Navarro alinsunod na rin sa kautusan ngTaguig Regional Trial Court Branch 69 na humahawak sa kasong rape na isinampa ng modelong si Deniece Cornejo laban sa aktor.
Sa commitment order na inilabas ng korte, ikukulong si Taguig City Jail Male Dormitory na pinangangasiwaan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na nasa Camp Bagong Diwa sa Taguig.
Bago ilipat ng kulungan, nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) si Navarro mula nang sumuko ito nitong Setyembre 19 kaugnay sakinakaharap na kasong Acts of Lasciviousness na iniharap ni Cornejo.
Matapos magpiyansa, hindi na rin siya pinakawalan ng NBI matapos maglabas ang hukuman ng isa pang warrant of arrest sa kasong rape na isinampa ni Cornejo.
Dahil dito, naghain ng petition for bail ang kampo ni Navarro upang makalaya ito pansamantala.
Nagkaroon ng limang pagdinig ang korte para sa petisyon at ang huli ay nitong Nobyembre 10.
Wala pang inilalabas na desisyon ang hukuman kaugnay sa petisyon.
Jonathan Hicap