Natanggap na rin ng kampo ng kontrobersyal na suspendidong hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Gerald Bantag ang subpoena kaugnay sa pagkakapaslang kay veteran journalist Percival "Percy Lapid" Mabasa.

Mismong si Atty. Rocky Balisong ang tumanggap ng subpoena para sa kanyang kliyente.

“Nakita naman natin, ni-receive na namin ang subpoena. ‘Yung subpoena for our client, General Gerald Bantag,” banggit ni Balisong nang magtugo sa Department of Justice nitong Lunes para lang kunin ang nasabing dokumento.

Si Bantag ay nahaharap sa dalawang kasong murder matapos umanong iutos na paslangin si Lapid at ang umano'y "middleman" sa kaso na si Cristito Villamor o Jun Villamor.

Duterte siblings, nag-bonding: 'Always something to be grateful for'

Hindi pa matiyak ni Balisong kung sisiputin ng kanyang kliyente ang pagdinig sa Nobyembre 23.

Bukod kay Bantag, sinampahan din ng kasong murder si National Bilibid Prison (NBP) Supt. Ricardo Zulueta at iba pang preso, matapos isangkot sa pagpaslang kay Lapid at Villamor.

Namatay si Villamor habang nakakulong sa NBP apat na oras matapos iharap sa publiko ang sumukong self-confessed gunman na si Joel Escorial na nagsabing siya ang nag-utos upang patayin ng kanyang grupo si Lapid.

Matatandaang pinagbabaril si Lapid habang sakay ng kanyang kotse malapit sa gate ng BF Resort Village, Las Piñas nitong Oktubre 3.