Binalaan ng Philippine National Police (PNP) ang publiko sa posibleng pagkalat ng pekeng pera ngayong Kapasukuhan.
“Nagpapaalala ang PNP na mag-ingat po tayo sa ating mga transaksyon kapag tayo ay namimili sa mga palengke, mall, lalung-lalo na na ganitong pagkakataon na marami tayong mga balikbayan na uuwi at may bitbit na mga remittance,” pahayag ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo sa panayam sa telebisyon.
Nanawagan si Fajardo sa mga balikbayan na magpapalit lang ng kanilang pera sa mgaauthorized money changer upang hindi sila mabiktima ng panloloko.
Pinayuhan din ng opisyal ang publiko na bumili na ng mga regalo nang mas maaga upang hindi makipagsiksikan o sumabay sa holiday shopping rush.
“‘Wag na tayong sumabay doon sa Christmas rush na sinasabi. Kung kayang mamili nang mas maaga, ‘wag humalo doon sa napakamarami. Kapag ganyan na maraming tao, diyan madalas nagkakaroon ng switching ng pera,” sabi pa ni Fajardo.
Nauna nang inabisuhan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang publiko na sipatin nang mabuti ang ibinabayad na pera upang matukoy kung ito ay peke.